ASG leader Janjalani, 1 pa guilty sa kidnapping
MANILA, Philippines — Guilty ang naging hatol kahapon ng Pasig Regional Trial Court sa lider ng Abu Sayyaf Group (ASG) at isa pa, kaugnay sa kasong pangingidnap sa may 52 guro at mga estudyante sa Basilan, noong Marso 20, 2000.
Sa 391 pahinang desisyon ni Pasig RTC Branch 261, Judge Florian Gregory Abalajon, nabatid na si Hector Janjalani, na kapatid ng nasawing ASG leader na si Khadafy Khaddafy, ay napatunayang nagkasala nang walang pag-aalinlangan sa 18 kaso ng kidnapping at serious illegal detention, kaya’t hinatulan siya ng parusang reclusion perpetua o 40-taong pagkakabilanggo nang walang posibilidad na mabigyan ng parole.
Samantala ang kanyang kapwa akusado sa kaso na si Daud Baru, alyas Dad Daim, ay hinatulang mabilanggo sa 52 bilang ng kasong kidnapping at serious illegal detention.
Ang hatol laban kina Hector at Baru ay inilabas ng hukuman, ilang linggo lamang matapos na hatulan ding guilty sa naturang kaso ang may 66 pang lider at miyembro ng ASG.
Kasama ng iba pang convict, ang dalawa ay inatasan din ng korte na magbayad sa kanilang mga biktima ng tig-P180,000 bilang danyos.
Samantala, ang isa pang akusado sa kaso na si Ab-dulazan Diamla, na may alyas na Abdul Hassan Yacob Djamla, ay napawalang-sala sa mga kaso, dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensiya, para idiin siya sa kaso.
Nabatid na si Hector ay kasalukuyang nakaditine sa Camp Bagong Diwa, Taguig.
- Latest