MANILA, Philippines — Naniniwala ang pamunuan ng Mandaluyong City Police na malakas ang isinampa nilang kasong murder laban sa dalawang Amerikano na natukoy nilang pumatay sa kanilang kababayang babae sa loob ng condominium unit sa Mandaluyong City noong Sabado.
Ayon kay P/Senior Supt. Moises Villaceran, hepe ng Mandaluyong police, kumpleto sila ng ebidensiya, testigo at CCTV footages na nagpapatunay para madiin sa kasong murder ang dalawang suspek na sina Troy Woody Jr., 21 at kaibigan nitong si Mir Islam, 22.
Sinabi ni Villaceran, lumitaw sa kanilang imbestigas-yon na pinatay ng dalawang Amerikano ang biktimang si Tomi Michelle Masters, 23, sa pamamagitan ng ‘suffocation’.
“Walang visible sign ng injury sa katawan ang biktima, dalawa lang yan, isinupot o kaya’y tinakpan ng unan ang kanyang ulo,” ani Villaceran.
Hinihintay na lamang ng pulisya ang magiging resolution ng Mandaluyong prosecutor’s office sa kaso laban sa dalawang suspek na ngayon ay nananatili pang nakakulong sa Madaluyong detention cell.
Nabatid din na ang motibo ng krimen ay pagkakaroon ng matinding away ng biktimang si Tomi at boyfriend nitong si Troy .
Nagpahayag din ng paniniwala si Villaceran na si Troy lamang ang pumatay sa kanyang girlfriend at nagpatulong lamang ito kay Mir para isakay sa Grab-taxi at itapon ang bangkay ng biktima sa Pasig River sa Baseco, Tondo Maynila.
Nagduda ang driver ng Grab-taxi na sinakyan ng dalawang suspek kaya nagsumbong ito sa Manila Police District at agad na nagsagawa ng follow-up operation na nagresulta para madakip ang mga ito.