Patung-patong na kasong kriminal vs pulis na namaril sa Caloocan

Bukod sa kasong kriminal, nahaharap din ngayon sa mga kasong administratibo ang suspek na si PO1 Danilo Tiempo, miyembro ng Navotas City Police at nakatira sa Brgy. 28, Caloocan City.

MANILA, Philippines — Tatlong kaso ng  attempted homicide at isa pang phy­sical injuries ang mga kasong kinakaharap ngayon ng pulis na walang habas na namaril sa isang burol sa Caloocan City nitong nakaraang bisperas ng Pasko.

Bukod sa kasong kriminal, nahaharap din ngayon sa mga kasong administratibo ang suspek na si PO1 Danilo Tiempo, miyembro ng Navotas City Police at nakatira sa Brgy. 28, Caloocan City.

Sinabi ni P/Supt. Ferdinand del Rosario, deputy chief for administration ng Caloocan City Police, dalawa sa mga biktima ni Tiempo ay hindi na interesado na magsampa ng kaso laban sa bagitong pulis.

Itinanggi rin ng opisyal na may nasawi sa pitong biktima ni Tiempo.  Sinabi niya na halos lahat ng biktima ay nakalabas na ng mga pagamutan bukod sa isa na nagpapagaling dahil sa tama ng bala sa paa.

Matatandaan na namaril si Tiempo sa isang sugalan sa may Brgy. 28, Caloocan City na ikinasugat ng pitong tao kabilang ang isang 16-anyos na lalaki. 

Ikinatwiran ni Tiempo na ginulpi umano ng grupo ng lalaki ang kanyang ama kaya pinuntahan niya ang mga ito at kinompronta bitbit ang dalawang baril.  Aatakihin umano siya ng mga lalaki kaya napilitan siyang magpaputok.

Show comments