MANILA, Philippines — Isinagawa kahapon ang ceremonial drilling ng kauna-unahang Makati Sub-way Project na makakatulong sa pagpapabilis sa biyahe sa Metro Manila.
Pinangunahan ni Makati City Mayor Abby Binay kasama ang kanyang ama na si dating Vice President Jejomar Binay at mga kinatawan ng mga ka-partner ng lungsod mula sa pribadong sektor ang seremonya bilang hudyat nang pagsisimula ng preparatory works para sa konstruksyon ng proyekto.
Iprinisinta ng alkalde ang isang scale model ng intra-city subway project sa unveiling ceremony na ginanap sa lobby ng ground floor ng Makati City Hall main building.
Ayon sa plano, kaila-ngang maumpisahan na kaagad ang naturang proyekto at makukumpleto ito sa taong 2023.
Ang Makati Subway ang magiging kauna-unahang subway system sa bansa, na isasagawa sa pamamagitan ng joint venture sa pagitan ng lungsod ng Makati at consortium ng mga lokal at banyagang investors at sakop ang 30-years concession sa consortium ng maintenance at repair ng coaches at ng control hub.
Sa nabanggit na proyekto ay mahigit sa 6,000 trabaho ang malilikha nito at mas higit nitong magpapaunlad ang ekonomiya ng lungsod.
Sa pamamagitan ng nabanggit na proyekto ay malalaki ang maitutulong nito sa transport system lalo na sa libu-libong mananakay upang hindi maabala sa matinding trapik na nararanasan sa Metro Manila.
Kaya aniyang magsakay ng hanggang 27,000 pasahero bawat oras sa bawat direksyon ang Makati Subway.