Sa ilalim ng anti-mendicancy law
MANILA, Philippines — Mariing nagbabala ang pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa publiko sa pagbibigay ng limos.
Sinabi ni NCRPO chief, Director Guillermo Eleazar na mayroong umiiral na batas ukol dito at ito ay ang anti-mendicancy law.
Sa ilalim ng nasabing batas ay may katapat na parusa ang mga magbibigay ng limos.
“May batas po tayo sa mga ganyang insidente, yung mismong nagbibigay po ang mananagot o may kasalanan kaya dapat po ay malaman ito ng ating mga kababayan na bawal po ang magbigay ng limos,” pahayag ni Eleazar.
Sinabi pa ni Eleazar na layon ng batas na ito na maiwasan ang pagkalat ng mga namamalimos sa kalsada.
Sa kasalukuyan ay patuloy na nakikipag-ugnayan ang NCRPO sa mga barangay at iba pang ahensya ng pamahalaan para mailigtas ang mga kabataan na nanlilimos sa lansangan na maaaring maging peligro sa kanilang buhay.
Ayon sa DSWD ang palaging pagbibigay ng limos sa mga bata ay nakakasama dahil sa nabubuo sa kanilang isipan ang hinala na di na kailangang mag-aral o magtrabaho para kumita, hanggang sa ito ay tuluyan nang maging kultura.
Inaalam din ng NCRPO kung may mga kumikilos na sindikato na gumagamit ng mga kabataan para mamalimos lalu na ngayong Kapaskuhan.