Karnaper natimbog ng MPD

MANILA, Philippines — Arestado ang isa sa dalawang lalaking tumangay ng tricycle na pansamantalang ipinarada sa isang convenient store nang agad matugunan ng mga nagpapatrolyang tauhan ng Manila Police District-Station 6 ang paghingi ng saklolo ng  biktima sa San Andres Bukid, Maynila, iniulat kahapon.

Isinailalim na sa inquest proceedings sa Manila Prosecutor’s Office sa reklamong  paglabag sa Republic Act 10883 o Anti-Carnapping  Law ang nadakip na suspek na si Michael Amiro Striller alyas “Mata”, 20 anyos, residente ng no. 1661 Crisolita St., San Andres, Bukid, Maynila habang ang kasamahang suspek na si Kenneth Polo Bayonas ay tinutugis pa.

Sa ulat ni P/Supt. Albert Barot, hepe ng MPD-Station 6, dakong alas-12:15 ng madaling araw noong Biyernes nang maganap ang insidente sa tapat ng 7-11 convenient store sa panulukan ng A. Francisco at Onyx Sts. , sa Andres Bukid.

Sa reklamo ni Reynald Ronquillo, 34, ng San Andres St., Malate, ipinarada niya muna ang dalang tricycle sa harapan ng nasabing tindahan at nakaligtaang alisin ang susi sa makina kaya’t nagulat sa pagbalik ay hindi na makita ang kanyang sasakyan. Itinuro naman ng bystander ang dalawang lalaki na mabilis umanong sinakyan ang tricycle at pinasibad sa direksyon ng Dagonoy Market. Mabilis na humingi ng tulong ang biktima sa nagpapatrolyang sina PO1 Sam Barrameda at PO1 Aliem Lanano na agad humabol sa mga suspek.

Nadakip si Striller na nagmamaneho ng nakaw na tricycle habang nakatalon at tumakas naman si Bayonas. Nabawi rin ang Honda 125 motorcycle na kulay itim na may passenger car Model 2017, Engine Number KSWOOE 293987 at Chassis number KSWOO291580 na pag-aari ng live-in partner ni Ronquillo na si Ma. Blesilda Melchor, 54 anyos.

Show comments