MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa 50 katao ang nasugatan matapos magtulakan, magtakbuhan at magbatuhan ng bote ang ilang mga lumahok sa libreng Christmas concert ng isang kompanya ng softdrinks nitong Biyernes ng gabi na ginanap sa Pasay City.
Ayon sa hepe ng Pasay City Police na si Senior Supt. Noel Flores, nagtamo ng mga pasa at galos ang mga biktima na agad namang natugunan. Lumalabas sa report, nitong gabi ng Biyernes ay ginanap sa Pasay City ang Coke Studios Christmas Concert.
Sa kalagitnaan ng kasiyahan ay bigla na lamang nagkaroon ng tulakan, batuhan ng bote, takbuhan habang ang iba naman ay tumalon mula sa barikada.
Kung kaya’t ayon kay Flores, sinabihan nito ang concert organizer, na suspendihin muna ang event dahil sa pangambang magkaroon ng stampede.
Lumalabas sa estimate ng Pasay City Police, nasa 20,000 ang dumalo sa event.
“Sobra kasi ang audience na dumating, unexpected. ngayon, napakarami kasi nga free ito. Ayaw namin na may mangyaring stampede,” sabi ni Flores.
Inihayag din ng pulisya na agad namang umaksyon ang organizer sa nangyari.
Sabi ng pamunuan ng Coca-Cola, binigyan nila kaagad ng atensiyong medikal ang mga biktima at prayoridad aniya nila ang kaligtasan ng mga dumalo sa event kung kaya’t pinatigil nila ang konsiyerto, kung saan itatakda na lang uli nila ito.
Nabatid, na ang mga participants sa nabanggit na konsiyerto ay mula sa local at international artist na ang layunin ay upang ipagdiwang ang pagpapaunlad ng larangan ng musika.