MANILA, Philippines — Bukod sa ‘no to jeepney phase out’, iginiit kahapon ng militanteng transport group na Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Drivers Nationwide (PISTON) ang pagsoli ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa ibayad nila sa pagkuha ng fare matrix nang itaas sa P10 ang pasahe sa MMLA, Region 3 at 4, kamakailan lamang.
Kahapon ay nilusob ng mga driver at operator ng jeep na pawang miyembro ng Piston -NCR ang main office ng LTFRB sa East Avenue, sa Quezon City.
Binigyang diin ni Goerge San Mateo, napagod sila sa pagpila at nagastusan nang bayaran sa LTFRB ang kinuhang kopya ng taripa ng fare hike kaya’t ngayong may rollback sa pasahe sa jeep, dapat isoli sa kanila ang naibayad na P560.00 sa bawat kopya ng fare matrix na nakuha ng mga driver sa LTFRB.
“Isang uri ito ng money making, nagpagod kami pumila para kumuha ng taripa sa LTFRB, nagbayad kami para dito pero ngayong may rollback na, ibalik na sa amin ang nagastos namin diyan”, pahayag ni San Mateo.
Ikinatwiran din ng Piston kung bakit hindi naidaan sa isang public hearing ang naipalabas na desisyon ng LTFRB sa rollback, gayung may sistema naman ang ahensiya para dito.