MANILA, Philippines — Natimbog na ng mga awtoridad ang dalawang lalaking itinuturong siyang humoldap at pumatay sa isang Ateneo stude sa Marikina City noong Disyembre 1.
Iprinisinta kahapon sa media ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, P/Director Guillermo Eleazar ang isa sa mga naarestong suspek na si Jayvee Santos, 24, alyas Diablo habang hindi na iniharap pa ang kanyang kasabwat na 16-anyos lamang.
Nabatid na si Diablo ay naaresto sa isang checkpoint sa Apitong, Brgy. Marikina Heights kahapon ng madaling araw.
Ayon kay P/Senior Supt. Roger Quesada, positibong kinilala ng hawak nilang testigo ang suspek na siyang nag-alok sa kanya ng cell phone ng biktimang si Francis de Leon, 24. Sinabi umano sa kanya ng suspek na nakuha nito ang cell phone sa J. Molina St. kaya’t ipinapahanap sa kanya ng buyer.
Sa interogasyon, itinuro naman umano ni Diablo ang isang 16-anyos na lalaki na siyang kasabwat niya sa pagsasagawa ng krimen kaya’t nadakip din ito.
Matatandaang si de Leon ay hinoldap at sinaksak sa kanto ng J. Molina St. at Bluebird St. sa Brgy. Concepcion Uno dakong ala-1:20 ng madaling araw noong Disyembre 1, na may ilang metro lamang ang layo sa kanilang tahanan.
Sinasabing kagagaling lamang ni de Leon sa isang internet café upang makigamit ng internet nang matiyempuhan ng mga suspek.
Una na rin namang nag-alok si Marikina City Mayor Marcy Teodoro ng kalahating milyong pisong reward money para sa ikadarakip ng mga suspek sa pagpatay sa biktima.