Maria Ressa, nagpiyansa
Sa kasong tax evasion
MANILA, Philippines — Naghain ng piyansa sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) ang chief executive officer (CEO) ng Rappler Holdings Corporation (RHC) na si Maria Ressa, matapos siyang isyuhan ng warrant of arrest dahil sa kinakaharap na kasong tax evasion.
Si Ressa ay naglagak ng P60,000 piyansa sa hukuman upang makaiwas sa pag-aresto.
Una dito ay sinampahan ng Department of Justice (DOJ) ng limang magkakahiwalay na tax evasion cases sa Court of Tax Appeals at sa Pasig City RTC si Ressa.
Bumagsak ang kaso sa sala ni Hon. Judge Danilo Buemio ng Pasig RTC Branch 265 hanggang magpalabas ng arrest warrant ang hukom, pero hindi pa man naisisilbi ay nagpiyansa na si Ressa.
Bagamat sumailalim si Ressa sa booking procedure, hindi na siya kinailangan pang kuhanan ng mug shots dahil may dala na siyang mga larawan.
Matatandaang ang RHC ay ang holding company ng Rappler Inc., na siyang may-ari ng news website na Rappler.
Naharap ito sa ilang problemang legal kamakailan kabilang ang pagbawi ng pamahalaan ng license to operate (LTO) nito noong Enero, cyber libel complaint, at tax evasion cases.
Naninindigan naman si Ressa na walang basehan ang mga kasong inihain laban sa kanila at iginiit na nagbabayad sila ng tamang buwis sa pamahalaan.
- Latest