Malacañang nakiramay sa pagpanaw ni ex-US Pres. George H.W. Bush

MANILA, Philippines — Nagpaabot ang Malacañang ng pakikiramay sa Amerika sa pagpanaw ni dating US Pres. George H.W. Bush sa edad na 94.

 

Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na ikinalulungkot ng Malacañang ang pagpanaw ng dating pangulo.

“On behalf of the Filipino nation and people, we wish to convey our condolences and prayers to the family and friends of Mr. Bush, as well as to the government and the people of the United States of America,” pahayag ng Malacañang sa statement nito.

Ang Republican leader ay mayroong Parkinson’s disease.

Si Bush na ika-41 pa­ngulo ng Amerika ay tatay ni dati ring US Pres. George W. Bush.

Namatay si George H. W. Bush makalipas ang halos walong buwan mula ng pumanaw ang kanyang maybahay na si Barbara.

Bukod sa pagiging presidente, nagsilbi rin si Bush bilang 43rd vice president ng United States mula 1981 hanggang 1989.

Kabilang sa giyerang kinasangkutan ng US sa liderato ni Bush ang Pa­nama Invasion noong 1989 laban kay Gen. Manuel Noriega na inakusahan ng drug trafficking at pandaraya sa eleksyon ng Central America country.

Noong 1990, bumuo si Bush ng international coalition forces laban sa Iraq na pinamumunuan ni Saddam Hussein na sumakop sa Kuwait.

Nabigo ang nakatatandang Bush na mapatalsik noon si Hussein bagay na ipinagpatuloy ng kanyang anak na si George W. Bush sa pamamagitan ng ikalawang Gulf War noong 2003 na nagresulta sa pagkakaaresto hanggang mahatulan ng bitay ang Iraqi strongman.

Show comments