Habambuhay sa 3 pulis sa Kian slay

Ang tatlong pulis-Caloocan na nahatulang mabilanggo ng habambuhay kaugnay sa pagkapaslang kay Kian delos Santos noong nakaraang taon.

MANILA, Philippines — Pinatawan ng ha­bam­­­buhay na pagkabilanggo ng Caloocan City Regio­nal Trial Court ang tatlong pulis na itinurong sangkot sa pagpaslang sa 17-anyos na si Kian Lloyd delos Santos sa isang anti-drug operation noong Agosto 2017.

Ibinaba ni Caloocan RTC Branch 125 Judge Rodolfo Azucena Jr., ang hatol na reclusion perpetua” o pagkakulong ng mula 20 hanggang 40 taon ng walang parole kina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz, pawang mga miyembro ng Caloocan City Police.

Bukod dito, pinag-babayad din ng kor­te ang mga akusado ng multa na aabot sa P345,000 para sa civil, moral, actual at exem­plary damages sa pamilya ng biktima.

Sa pagpataw ng hatol na “guilty beyond reasonable doubt”, sinabi ng korte na hindi kailanman pinapayagan ang labis na dahas sa pagpapa­tupad ng mga pulis sa kanilang tungkulin.

“The court commi-serates with our policemen who regularly thrust their lives in zones of danger in order to maintain peace and order and acknowledges the appre­hension faced by their families whenever they go on duty,” ayon kay Azucena sa 35-pahinang desisyon.

“But the use of unne-cessary force or wanton violence is not justified when the fulfilment of their duty as law enforcers can be effected otherwise. A shoot first, think later attitude can never be countenanced in a civilized society,” dagdag pa niya sa ibi-nabang desisyon.

Pinawalang sala naman ang tatlong pulis sa kasong pagtatanim ng iligal na droga makaraang mabigo umano ang prosekusyon na mapatunayan ito.

Inilagay naman sa “archives” ang kaso laban sa umano’y police asset na si Renato “Nonong” Loveras na siyang nagturo sa mga pulis kay Kian.

Sa rekord, napatay si Kian noong Agosto 16, 2017 sa ikinasang anti-drug operation ng Caloocan City police.  Sinabi ng mga pulis na sangkot kinalaunan na nanlaban umano si Kian na kabaligtaran sa kuha ng closed circuit television camera na nakita siyang kinakaladkad ng mga pulis patungo sa direksyon ng Tullahan River ilang minuto bago siya ma-tagpuang patay dahil sa tama ng bala. 

Show comments