MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na pinagkakakitaan umano ng ilan ang itinuturing na Mabuhay Lanes.
Ito ay inihayag ni MMDA operation supervisor Bong Nebrija, na nagsabing ginagawang paradahan ng mga motorista sa araw at pinagtitindahan naman ng mga illegal vendors sa gabi ang magkabilang side ng kahabaan ng Palanca St. sa Maynila na itinuturing na isa sa mga Mabuhay Lanes.
Nang magsagawa ng clearing operation ang grupo ni Nebrija sa lugar nitong Biyernes, nakahatak sila ng anim na pribadong behikulo dahil ilegal na nakaparada ang mga ito.
Kung saan pumalag ang ilang indibiduwal na nagsabing may basbas aniya rito ang pamahalaang lungsod ng Maynila, dahil may Memorandum of Agreement (MOA) dito ang barangay.
Kung kaya’t hinamon sila ni Nebrija na magpakita ng katibayan na may MOA sa pagitan ng barangay at city hall para payagang gawing paradahan at pagtindahan ang lugar.
Isang lalaki ang lumutang na hindi na nagpabanggit ng pangalan, na nagpakita ng katibayan.
Subalit, nadiskubre ni Nebrija na hindi MOA, kundi ang papel na ipinakita sa kanya ay ang halagang P180,000.00 na ibinayad sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa loob ng anim na buwan para mapayagang makapag-parking at makapagtinda sa lugar.
Sabi pa ni Nebrija, kahit pa pumapayag ang Manila City Hall Office dito ay hindi naman aniya tamang pagkakitaan ang kalye ng kung sinuman.