Kidnaper kumasa sa aresto, utas!
MANILA, Philippines — Isang umano’y notoryus na kriminal na sangkot sa kidnapping, robbery holdup at drug pushing ang napaslang matapos na manlaban sa ikinasang joint drug bust operation at pagsisilbi ng warrant of arrest ng Manila Police District (MPD) at Mandaluyong Police sa Brgy. Namayan, Mandaluyong City kamakalawa.
Idineklarang dead-on-arrival sa Sta. Ana Hospital ang suspek na nakilalang si Crispulo Moreno, 33, residente ng 7 Marryland Village, J.P. Rizal St., sa Brgy. Namayan dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), dakong alas-12:30 ng madaling araw nang isagawa ang drug raid ng pinagsanib na puwersa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng MPD-Sta. Ana Police Station (PS-6) at Mandalu-yong City Police at sisilbihan din ang suspek ng apat na warrant of arrests sa mga kasong kidnapping for ransom, robbery, paglabag sa Republic Act 7166 at physical injury. Gayunman, bago pa man umano naisagawa ang transaksyon ay napuna na ng suspek ang presensiya ng mga pulis sa paligid ng bahay nito.
Sa halip na sumuko, kumuha umano ng baril ang suspek at pinaputukan ang mga awtoridad. Dito napilitang gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan ang suspek sa iba’t ibang bahagi ng katawan na kanyang ikinasawi.
Narekober ng mga pulis mula sa pag-iingat ng suspek ang apat na pakete ng shabu, 10 pirasong cartridge ng kalibre .40 na baril, 24 piraso ng cartridge ng kalibre .38 revolver, 57 piraso ng cartridge ng kalibre .45 revolver, isang kalibre .9mm pistola Tanfogllo, isang magazine, dalawang cartridge ng kalibre .9mm, at tatlo pang fired cartridge.
- Latest