MANILA, Philippines — Aabot sa 6,000 kabataang mag-aaral na babae ang nakatakdang bigyan ng bakuna laban sa cervical cancer na ikalawang sanhi ng kanser sa mga kababaihan sa Pilipinas.
Sinabi ng pamahalaang lungsod ng Taguig na maagang Christmas gift nila sa mga kabataang babae ng lungsod ang pagbabakuna ng “human papillomavirus (HPV)” na natukoy na nagiging sanhi ng kanser sa cervix.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang cervical cancer ang pinakamadalas tumama sa mga Pinay na nasa 15-44 taong gulang.
Ang mga benepisyaryo sa libreng bakuna ay may edad 9-14 buhat sa 23 paaralan sa lungsod. Inisyal nang nabigyan ng bakuna ang 15 Grade 4 students sa tulong ng Department of Health.
Ito umano ang unang “vaccination drive” sa National Capital Region (NCR) para sa naturang uri ng sakit.