Biyahe ng MRT-3, tumirik
MANILA, Philippines — Tumirik ang biyahe ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) kahapon ng hapon, isang araw matapos na ipagmalaki ng Department of Transportation (DOTr) na isang buwan nang walang aberya sa biyahe nito.
Batay sa abiso ng MRT-3, dakong ala-1:10 ng hapon nang magkaroon ng electric failure ang motor ng isang northbound train sa Buendia Station.
Pinababa ang 650 pasahero na sakay ng naturang nagkaaberyang tren dahil kinakailangan itong hilahin sa depot upang kumpunihin.
Kaagad namang humingi ng paumanhin ang MRT-3 sa mga naapektuhang pasahero nito na pinasakay na lamang sa kasunod na tren, matapos ang anim na minutong paghihintay.
Nauna rito, ay ipinagmalaki ng DOTr na hindi pa man naisasailalim sa rehabilitasyon, ay nagpapatuloy na ang unti-unting paghusay ng serbisyo ng MRT-3, matapos na umabot na sa isang buwan o 31-araw, na hindi nakakapagtala ng aberya, mula noong Oktubre 16 hanggang Nobyembre 15, 2018.
Ayon sa DOTr, ito na ang naitala ng MRT-3 na ‘longest no unloading streak’ sa loob ng nakalipas na pitong taon o simula 2011, at nalampasan nito ang dating rekord na 29-day streak na naitala mula Hulyo 4 hanggang Agosto 1, 2018.
- Latest