Minimum na pasahe sa jeep, ibalik sa P8

Ito ang nakasaad sa liham ng United Filipino Consumers & Commu­ters kina LTFRB Chairman Martin Delgra III at board members Ronaldo Corpus at Aileen Lizada para sa kaukulang aksyon.
Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Hiniling ng isang consu­mers at commuters group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibalik sa P8 ang minimum na pasahe sa mga pampublikong jeep  sa Metro Manila, Region 3 at 4.

Ito ang nakasaad sa liham ng United Filipino Consumers & Commu­ters kina LTFRB Chairman Martin Delgra III at board members Ronaldo Corpus at Aileen Lizada para sa kaukulang aksyon.

Anang grupo, dapat pag -aralang muli ng board ang ginawang pagtataas sa minimum fare sa jeep na P10 dahil limang beses na magkakasunod na linggo na ay bumaba  ang halaga ng produktong petrolyo at posibleng magpatuloy ang pagbaba ng presyo ng oil products batay sa pagtaya ng mga eksperto.

Anila, mismong si DOTr  Sec. Arthur Tugade na ang nangakong pag-aaralan ang naging desisyon ng LTFRB na maitaas ang pasahe sa mga passenger jeep dahil sa patuloy na pagbaba ng oil price.

Napapanahon na anila na maibalik sa P8 ang minimum fare sa jeep dahil matindi ang naging epekto sa mga pasahero ng kasalukuyang P10 minimum pasahe sa jeep lalo pa’t mataas ang halaga ng bilihin at bayarin sa serbisyo ngayon.

Una nang naitaas ng LTFRB ang pasahe sa jeep dahil sa tumaas na presyo ng produktong petrolyo, bilihin at maintenance fee bukod pa sa epekto ng Train Law.

Show comments