MANILA, Philippines — Meron ng sariling pagkakakitaan ang may 200 solo parents sa Quezon City.
Ito ay makaraang tumanggap kahapon ng umaga kay QC Vice Mayor Joy Belmonte ang naturang mga single moms ng may P10,000 worth ng sari-sari store items tulad ng bigas, de lata at iba pang mga paninda sa isang simpleng seremonya sa QC Hall grounds QC.
Sa kasalukuyan, may 1,000 mga solo parents na mula district 1 hanggang district 6 ang nabiyayaan ng sari-sari store package ni Belmonte sa ilalim ng ‘Tindahan ni Ate Joy’ project na sinimulan noong 2013.
Sa kanyang mensahe, hiniling ni Belmonte sa mga solo parents na paunlarin ang kanilang mga tindahan upang makatulong ito sa kanilang pang-araw araw na gastusin.
Bukod sa naturang programa, ang mga solo parents ay benepisyaryo rin ng iba pang mga programa ni Belmonte tulad ng health programs, training programs para sa dagdag pagkakakitaan tulad ng perfume making, food processing gayundin ng urban farming o ang pagtatanim ng gulay sa mga bakuran at iba pa.