MANILA, Philippines — Nagbabala ang Food and Drugs Authority (FDA) sa mga konsyumer laban sa dalawang food supplement na umano’y nakakapagpasigla ng pakikipagtalik ng mga lalaki ngunit naglalaman umano ng sangkap na maaaring magdulot ng sari-saring sakit sa mga gagamit.
Sa FDA Advisory No. 2018-313, nagpalabas ng ‘public health warning’ ang ahensya sa mga produktong MS for Male tablet Herbal Dietary Supplement at Bravo Maca + Jatropha + Corynaea Crassa Food Supplement for Men.
Sa sampling ng FDA, natuklasan nilang naglalaman ng “Nortadalafil at Tadalafil” na mga sangkap ang dalawang food supplement. Ang Tadalafil ay isang “prescription drug” para gamutin ang problemang sekswal tulad ng “impotence” at “erectile dysfunction” habang ang Nortadalafil ay isang sangkap naman ng Tadalafil.
Maaari umanong makaranas ng iba’t-ibang ‘side effects’ ang taong makakainom ng naturang mga kemikal tulad ng sakit ng ulo, hirap matunawan, sipon, pagtatae, biglaang paghina ng pandinig, hirap sa paghinga na may kasamang ingay sa tainga, sensasyon sa dibdib, kamay, leeg o panga, paninigas ng masel, sakit ng likod, pabago-bagong paningin, at pagkahilo.
Sinabi pa ng FDA na ikinukunsidera nila na ‘Adulterated’ ang nabanggit na mga food supplement dahil sa presensya ang Tadalafil at Nortadalafil na paglabag sa Republic act 9711 (FDA Act of 1991) at RA 10611 o ang Food Safety Act of 2013.