Kelot nag-swimming sa Manila Bay, lunod

MANILA, Philippines — Isang bangkay ng hindi pa kilalang lalaki ang natagpuang palutang-lutang sa dagat na bahagi ng Scarborough Area, malapit sa Road 10, sakop ng Barangay 101, Zone 8, Vitas, Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng biktimang inilarawan sa edad na 25 hanggang 30, payat, maitim at nakahubad na pinaniniwalaang naligo lamang.
Sa ulat ni Inspector Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong 12:00 ng madaling araw nang mamataan ng ilang kabataang nakatambay ang palutang-lutang na katawan ng biktima at nang iahon ay wala na itong buhay kaya inireport sa Baseco Police Community Precinct (PCP).
Isang Kevin Cruz, 22, ang nagsabing may isang oras pa lamang nang makita niyang nakatayo sa seawall ang biktima.
Walang sugat o anumang indikasyong pinahirapan o pinatay ang lalaki.
- Latest