Higit 60 truck ng basura, nahakot sa Manila North/South Cemetery
MANILA, Philippines — Mahigit sa 60 truck ng basura ang nahakot buhat sa Manila North Cemetery at sa Manila South Cemetery mula noong bisperas pa lamang ng Undas hanggang kahapon base sa ulat na tinanggap ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Nabatid na nasa 35 truck ang nahakot sa Manila North Cemetery habang nasa 26 truck naman ang nakolekta sa Manila South Cemetery.
Ikinadismaya naman ito ng pamahalaang lungsod ng Maynila dahil sa kabila ng kanilang panawagan maging ng ilang non-government organization na magdala ng kanya-kaniyang plastic na paglalagyan ng basura sa pagdalaw sa sementeryo ay hindi pa rin umiral ang disiplina.
Sa patuloy na pagbalewala sa panawagang ito, walang pahinga sa paglilinis ang itinalagang 50 street sweepers sa nasabing sementeryo.
May itinalaga namang mga basurahan sa ilang piling lugar sa nasabing sementeryo subalit kung saan-saan lang ibinabato ang mga pinagkainan tulad ng mga plastic bottles, mga baso at styrofor at karton ng ilang fastfood chain at mga pinagbalutan ng kung anu-anong gamit.
- Latest