Undas schedule ng LRT at MRT, inilabas

Ayon sa management ng LRT 1 at 2, ang kanilang operas­yon ngayong Undas ay nakabatay sa kanilang ‘regular holiday’ at weekend schedules’.
Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Inilabas kahapon ng pamunuan ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1)  Line 2 at Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang kanilang Undas schedule.

Ayon sa management ng LRT 1 at 2, ang kanilang operas­yon ngayong Undas ay nakabatay sa kanilang ‘regular holiday’ at weekend schedules’.

Para sa LRT-1, ang unang biyahe ng tren mula Roosevelt Station sa Quezon City at sa weekends, ay magsisimula ng alas-4:30 ng umaga habang ang huling biyahe ay aalis ng alas-9:45 ng gabi, samantalang ang huling biyahe naman mula Baclaran ay aalis ng alas-9:30 ng gabi.

Para naman sa LRT-2, ang unang biyahe mula sa Claro M. Recto Avenue sa Maynila, ay alas-4:30 ng madaling araw at ang huling tren naman bibiyahe ng alas-10:30 ng gabi.

Ang unang biyahe naman mula sa Santolan Station ay alas-4:30 rin ng madaling araw at ang huli ay alas-10:00 naman ng gabi.

Inianunsyo naman ng MRT-3 na ngayong araw, Nobyembre 1 hanggang 4, ay bukas ang kanilang linya mula alas-5:30 ng madaling araw hanggang alas-10:30 ng gabi.

Ang last trip ng tren mula sa North Avenue Station, sa Quezon City ay alas-9:10 ng gabi habang ang huling biyahe naman ng tren mula sa Taft Avenue Station, Pasay City ay alas-9:50 ng gabi.

Nabatid na magdedeploy ng 15 tren ngayong Huwebes at Biyernes, habang 12 tren naman ang bibiyahe sa Sabado at Linggo.

Show comments