Sa paghagupit ng Bagyong Rosita
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) sa mga outdoor advertisers na ibaba o itiklop ang kanilang mga billboards ngayong nakataas na ang storm warning signal number 1 sa Metro Manila dahil sa bagyong Rosita.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim, dapat ay ibaba ang mga tarpaulin at billboards sa mga pangunahing lansangan dahil sa inaasahang katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan at malalakas na hangin sa Hilaga at Gitnang Luzon na dala ng bagyo.
Nitong Lunes ay itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical, Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Storm Warning Signal Number 1 sa Metro Manila.
“Hindi na natin pa kaila-ngang hintayin ang buhos ng ulan bago simulang ibaba ng mga advertisers ang kanilang billboard para maiwasan ang mga pinsalang maaari nitong idulot,” saad ni MMDRRMC focal person Michael Salalima.
Ani Salalima, makikipag-ugnayan ang MMDA sa mga miyembro ng MMDRRMC at mga disaster management teams ng mga lokal na pamahalaan ng Metro Manila para i-monitor ang posibleng epekto ng bagyo sa Kamaynilaan.