MANILA, Philippines — Patuloy na tumitindi ang sigalot sa pagitan nina LTFRB board member Aileen Lizada at mga tauhan ni LTFRB Chairman Martin Delgra.
Ito ay dahil kinasuhan ng tatlong tauhan ni Delgra sa Office of the Ombudsman si Lizada ng malicious mischief, oral defamation, abuse of authority, at grave misconduct.
Nag-ugat ang reklamo ng chief of staff ni Delgra na si Manolo Labor kasama sina Nikki Gener at Martin Afante nang unang kasuhan ang mga ito ni Lizada sa Ombudsman ng kasong insubordination, grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of service.
Nagsimula ang hindi pagkakaunawaan ng magkabilang panig nang noo’y magpalabas ang LTFRB ng desisyon tungkol sa pag-apruba sa P2.50 taas singil sa pasahe sa Region 6. Nang ipalabas ang desisyon ng LTFRB dito, nakapirma si Delgra at board member na si Ronaldo Corpus at hindi nakapirma si Lizada.
Sabi ni Lizada, nagsabwatan ang tatlong tauhan ni Delgra nang madaling ipalabas ang desisyon sa naturang pasahe kahit wala pa siyang pirma dito.
Niliwanag naman ng tatlo na agad naipalabas ang kautusan sa fare hike sa utos sa kanila ni Delgra para maihanda na rin ito para sa kapakanan ng media.
Anila, tauhan pa nga ni Lizada ang tumulong kay Gener at Afante para makakuha ng kopya ng order sa opisina ni Lizada pero inakusahan sila ng huli na magnanakaw at pinagalitan ni Lizada si Gener at inakusahan ng kawalang respeto dito.
Sinasabing si Delgra at Lizada ay palagiang hindi nagkakasundo sa mga naipalalabas na desisyon sa LTFRB partikular noong itaas ang pasahe sa jeep at bus at ang hindi pagkakaintindihan ng mga ito ang umano’y rason kung bakit umayaw na si Lizada na maging spokesperson ng LTFRB.