MANILA, Philippines — Sinibak sa pwesto kahapon ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar ang dalawang pulis na sumira sa side mirror ng isang taxi sa Pasay City.
Bago sinibak, nakatikim muna ng sermon kahapon mula kay General Eleazar sina PO2 Ralp Curibang Tumanguil, nakatalaga sa Parañaque City Police Community Precinct (PCP) 7 at PO2 Jay Pastrana Templonuevo, nakatalaga naman sa NCRPO.
Ayon kay Eleazar, naganap ang insidente alas-11:00 ng umaga noong Oktubre 19, 2018 sa Andrews Boulevard, Pasay City.
Sakay ang mga pulis sa motorsiklo habang naka-escort ang mga ito sa isang negosyanteng Korean national mula sa Parañaque City na walang proper clearance sa pamunuan ng PNP.
Habang binabagtas nila ang naturang lugar ay nasagi at tinapik at tuluyang nawasak ang side mirror ng taxi na pinapasada ni Joseph Curioso Barreno hanggang sa i-upload nito sa social media (facebook) ang video, na nag-viral.
Ang naturang mga pulis ay nahaharap sa kasong kriminal at administratibo at kaagad na ipinag-utos ang pagsibak sa mga ito sa kanilang pwesto habang iniimbestigahan.