MANILA, Philippines — Nagsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon ang arson division hinggil sa ulat na ‘pot session’ ang pinagmulan ng sunog na tumupok sa 150 bahay at nakasugat ng tatlong katao, kahapon ng tanghali sa Happyland, Tondo,Maynila.
Sa inisyal na imbestigasyon, nakilala ang mga nasugatan na sina Aida Tesoro; Rodel Guevarra, 27, na sumaklolo upang magligtas ng gamit; habang isang aminadong ‘usisero’ lamang na nakilalang si BJ Jerome, 26, na kinailangang isalba ng mga pamatay sunog, matapos na mag-collapse.
Galing pa umano sa area ng Herbosa sa Tayuman, si BJ Jerome at nagtungo lamang sa lugar upang mag-usyoso sa sunog.
Sa nakuhang impormasyon, mula sa ilang residente, may nagpa-pot session sa lugar ang dahilan ng pagsiklab ng apoy. Gayunman, patuloy pa itong kinukumpirma ng mga imbestigador.
Habang nahanap naman ng kanilang mga kaanak ang dalawang bata na naunang iniulat na nawawala sa kasagsagan ng sunog.
Ayon sa Manila Fire Department (MFD) dakong alas-12 ng tanghali nang magsimula ang sunog sa isang bahay sa lugar na umabot sa ikalawang alarma at idineklarang fireout dakong alas-2:44 ng hapon.
Inaalam pa rin ng mga awtoridad ang halaga ng mga ari-ariang natupok sa apoy.