P1 taas-pasahe sa bus sa Metro Manila, aprub na rin!

Ito ay makaraang aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang provisional P1 fare hike sa mga pampasaherong bus sa Metro Manila at provisional fare adjustments sa provincial bus.
Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Matapos magkaroon ng pagtaas sa pasahe sa jeep, tataas na rin ang singil sa pasahe sa Metro Manila buses at may adjustment naman sa pasahe sa provincial buses.

Ito ay makaraang aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang provisional P1 fare hike sa mga pampasaherong bus sa Metro Manila at provisional fare adjustments sa provincial bus.

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, ang P1 provisional increase sa Metro Manila buses ay para sa unang 5 kilo­metrong takbo ng bus.

Bunga nito, ang kasalukuyang minimum na P10 fare sa unang limang kilometro ng ordinary bus sa MM ay magiging P11 na samantalang mananatili sa  rate na  P1.85 ang dagdag sa suceeding kilometer.

Sa airconditioned bus sa Metro Manila, ang m­inimum P12 bus fare ay magiging P13  na para sa unang limang kilometrong takbo ng bus at mananati­ling nasa  P2.20 ang singil sa suceeding kilometer.

Sa provincial buses, ang ordinary bus ay mananatiling P9 ang fare rates para sa unang limang kilometro pero tataas ang  singil sa suceeding kilometer na P1.55 mula sa dating P1.40

Aabutin naman ang minimum na singil sa regular air-conditioned bus ng  P1.75 per kilometer  mula sa P1.60, samantalang sa de luxe aircon bus ay may taas na minimum fare na P1.85 per kilomter mula P1.70 at sa super de luxe aircon bus ay may minimum fare increase na P1.90 per kilometer  mula P1.80.

Samantala sa luxury aircon bus ay may minimum fare increase na P2.40 per kilometer mula  P2.25.

Sinabi ni Delgra na ang lahat ng bus operators ay kailangang magpaskil ng bagong fare matrix na magmumula sa LTFRB Board sa loob ng kanilang sasakyan para sa kaalaman ng publiko at kung wala nito ay walang awtorisasyon ang mga itong maningil ng bagong fare adjustment.

Nag-abiso rin ang LTFRB na sa Nobyembre pa magiging epektibo ang fare hike makaraan ang 15 araw na publication para rito.

Tulad ng jeepney group, ang pagtaas ng presyo ng petroleum products, spare parts at bilihin gayundin ng buwis sa langis ang ugat ng kanilang petisyon para sa pagtataas sa singil ng pasahe.

Show comments