MANILA, Philippines — Nagsumite na rin ng kani-kanilang certificate of candidacy (COC) ang mga imcumbent na lokal na opisyal sa mga lungsod ng Malabon at Valenzuela City para sa kanilang re-election.
Sa Malabon City, nagsanib ang dating nagkalaban noong 2013 na sina incumbent Mayor Lenlen Oreta na muling tatakbo sa naturang posisyon para sa kanyang huling termino at si Jaye Lacson-Noel na tatakbo bilang kinatawan ng lone district ng Malabon sa Kongreso.
Kasama ang kandidato nila sa Vice Mayor na si Bernard Dela Cruz at lahat ng mga konsehal, nagsumite ang grupo ng kanilang COCs sa lokal na Commission on Elections office nitong Lunes ng umaga.
Inaasahang makakabangga ng kanilang grupo ang tiket naman na pamumunuan ni Congressman Ricky Sandoval at Vice-Mayor Jeannie Sandoval.
Sa Valenzuela City, nagsumite na rin ng kanyang COC para sa kanyang huling termino si Mayor Rex Gatchalian at kanyang Vice Mayor na si Lorie Natividad-Borja.
Tatakbo bilang kinatawan ng District 1 ng lungsod ang kanyang kapatid na si Cong. Wes Gatchalian habang sa District II si Cong. Eric Martinez. Kasama rin na nagsumite ng kanilang kandidatura ang 12 kandidato para sa konseho.
Hindi pa naman mabatid kung sino ang makakalaban ng grupo ni Gatchalian sa lungsod.