Shabu, inihalo sa candy: 2 timbog
MANILA, Philippines — Dalawang ‘tulak’ ng droga ang nadakip kung saan nasamsam sa mga ito ang hinihinalang shabu na inihalo sa dinurog na candy sa buy-bust operation sa harapan ng isang paaralan sa Novaliches, Quezon City kahapon.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD)-Novaliches Police Station (PS-4), nakilala ang mga naarestong suspek na sina Ryan Ceblano, 25, at Jester Sanciangco, 18, kapwa ng Brgy. Baesa, Quezon City.
Dakong alas-2:30 ng madaling araw nang maaresto ang mga suspek sa isang buy-bust operation sa Rich Land Street, tapat ng Bagbag Elementary School, sa Brgy. Bagbag, Novaliches.
Narekober ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang isang pakete ng shabu na nang busisiin ay nabatid na hinaluan ng dinurog na candy, P500 buy-bust money at P15,000 cash.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ilang drug pusher ang karaniwang gumagamit ng adulterants upang palitawing marami ang shabu na kanilang ipinagbibili.
Ilan umano sa mga ginagamit na adulterants ng mga ito ay dinurog na candy, tawas, toilet freshener, dinurog na bumbilya, at minsan ay maging nakalalasong oxalic acid.
- Latest