MANILA, Philippines — Nagsumite na rin kahapon ng kanyang kandidatura si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan at buong tiket ng kanyang partidong ‘Tao ang Una’ para sa kanyang ikatlo at ika-huling termino bilang alkalde ng lungsod.
Nagkulay kahel ang kalsada ng Camarin at Zapote Road patungo sa Commission on Elections-North Caloocan sa Brgy. Zapote dahil sa libu-libong tagasuporta na sumalubong sa motorcade ni Malapitan.
Bago ang pagsusumite ng kanilang certificate of candidacy (COC), ipinakilala muna ni Malapitan sa mga taga-suporta ang kanyang running-mate na si Vice Mayor Macario Asistio, at tumatakbo bilang congressman ng Caloocan District 1 na si Rep. Along Malapitan kasama ang mga konsehal.
Sa kanyang huling termino, sinabi ni Malapitan na target niya sa susunod na tatlong taon na makapagtayo ng bagong City Jail at Hall of Justice sa Caloocan North at pagpapasok ng isang shopping mall.