MANILA, Philippines — Hindi palulusutin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mag-inang nag-viral sa social media makaraang makuhanan habang walang habas na itinatapon at ipinaaanod sa baha ang tambak nilang basura sa Caloocan City.
Sa Facebook page ni MMDA Chairman Danilo Lim, kinondena nito ang mag-ina na taga Brgy. 67, Caloocan City dahil sa kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura.
Kung saan nag-viral ang video sa social media noong Martes ang ginawang pagtatapon ng kanilang basura sa baha sa kalsada na winawalis pa papalayo sa kanilang lugar.
Binanggit pa ni Lim na kaya nababalewala ang flood control projects ng MMDA ay dahil sa mga iresponsableng mamamayan na wala na ngang naitutulong kundi dumadagdag pa sa problema.
Kung saan aniya sa ilalim ng Presidential Decree No. 825, na sinumang tao na mahuhuling nagtatapon ng basura ay mananagot sa batas.