P12 minimum fare sa jeep, sinopla ng LTFRB
MANILA, Philippines — Hindi pa man nakaka-pagsampa ng pormal na fare increase petition ang transport groups, sinopla na agad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang panawagan nilang maitaas sa P12 mula P8 ang minimum fare sa jeep.
Ayon kay LTFRB board member Aileen Lizada, walang puwang sa ahensiya na maaprubahan ang P12 fare hike dahil may matindi itong domino effect sa iba pang bilihin at mga bayarin ng publiko.
Binigyang diin ni Lizada na naimpormahan na nila ang transport groups na hindi nila kayang maibigay ang panawagang maitaas sa P12 ang minimum na pasahe sa jeep.
Anya, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry, National Economic and Development Authority, at Department of Energy para malaman kung hanggang kailan ang mga pagbabago sa galaw ng oil prices.
Sinabi ni Lizada na pa-tuloy na pinag-aaralan ng ahensiya ang maaring mai-tulong ng LTFRB sa mga jeepney drivers at operators sa patuloy na oil price hike at ang epekto nito sa inflation.
Una nang nanawagan ang iba’t ibang transport groups na Pasang Masda, Fejodap, Altopad at ACTO na gawin ng LTFRB na P12 ang minimum na pasahe sa jeep dahil sa patuloy na pagtaas na halaga ng produktong petrolyo.
- Latest