Regulasyon sa e-bikes sa Navotas hinigpitan

Sa ipinasang City Ordinance No. 2018-11, simula ngayong Oktubre 1, kaila­ngang iparehistro na ng mga may-ari ang kanilang e-bikes sa kanilang Franchising Permit Processing Unit upang mabigyan ng permit na may bisa ng dalawang taon.
facebook page

MANILA, Philippines — Dahil sa putuloy na pagdami ng mga reklamo ng aksidente dahil sa kawalan ng regulasyon ng nasyunal na pamahalaan, magpapatupad na ng mahigpit na batas sa paggamit ng E-bikes (electric bikes) ang Pamahalaang lungsod ng Navotas kabilang ang pagbabawal na magmaneho nito ang mga menor-de-edad.

Sa ipinasang City Ordinance No. 2018-11, simula ngayong Oktubre 1, kaila­ngang iparehistro na ng mga may-ari ang kanilang e-bikes sa kanilang Franchising Permit Processing Unit upang mabigyan ng permit na may bisa ng dalawang taon.

Mahigpit ding ipatutupad na kailangang nasa edad 18-anyos pataas ang mga magmamaneho ng e-bike at may sapat na proteksyong suot tulad ng half-face helmet habang kailangang nasa kapasidad din ng e-bike ang papayagang angkas.

Aabot sa P320 ang inisyal na halaga na babayaran sa inisyal na pagpaparehistro ng e-bike at P140 naman kung renewal. 

Papatawan naman ng multang P300 ang sinumang mahuhuli na lalabag sa ordinansa sa una at ikalawang pagkakataon habang P300 at pagka-impound ng behikulo ang parusa sa ikatlong pagkakataon.

Ayon kay Navotas City Mayor John Rey Tiangco, kaligtasan ng mga nagmamaneho at sakay ng e-bikes ang pangunahin nilang layon sa implementasyon ng ordinansa makaraang mapansin na may ilang nasasangkot sa aksidente dahil sa mara­ming menor-de-edad ang nagmamaneho nito at walang pangunahing kaalaman sa pagmamaneho nang tama.

Hati naman ang reaksyon ng mga taga-Navotas.  May ilang pumapabor sa ordinansa upang maitama ang mga pasaway na walang disiplina sa pagmamaneho ng e-bike na kung saan-saan dumaraan habang ang iba naman ay sinabing pagkakakitaan lamang ito ng Pamahalang Lungsod at kailangan ang Land Transportation Office (LTO) ang mag-regulate dito.

Show comments