MANILA, Philippines — Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Manila City Jail (MCJ) kaugnay sa nasamsam na P790,000 cash sa loob mismo ng piitan sa isinagawang ‘Oplan Linis Piitan’ o ‘Oplan Greyhound’ ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga.
Inalalayan ang BJMP ng ilang tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Manila Police District para sa sorpresang pag-inspeksiyon.
Sinabi ni Jail Senior Officer Jayrex Bustinera na sa tagong kuwarto narekober ang malaking halaga na nakasilid sa bote ng mineral water na inaalam pa kung sino ang nagmamay-ari at kung saan nanggaling ang salapi.
Nasamsam din ang mga itinatagong cellphone at mga improvised na patalim.
Layunin ng operasyon na matiyak na wala nang ipinagbabawal na droga na itinatago doon ang ilang sindikato at maging ang mga armas kabilang ang improvised weapons na nagagamit sa riot ng mga preso.
Tinarget umano ng operasyon ng mga awtoridad ang dalawang pinakamalaking dormitoryo sa MCJ na may 1,200 presong nakapiit.