Bangkay ng lalaki sa SUV, kinilala

Tinukoy itong si Emmanuel Anthony Bautista, alyas Don, nasa hustong gulang, car dealer at naninirahan sa Cello Building Rhapsody Condominium, Brgy. Buli, Muntinlupa City.

MANILA, Philippines — Kinilala na kahapon ng pulisya ang bangkay ng lalaking natagpuan sa loob ng isang SUV sa Las Piñas noong Martes ng gabi.

Tinukoy itong si Emmanuel Anthony Bautista, alyas Don, nasa hustong gulang, car dealer  at naninirahan sa Cello Building Rhapsody Condominium, Brgy. Buli, Muntinlupa City.

Sa rekord ng Las Piñas City Police,  noong Mayo 14, 2018, nakulong ang biktima dahil sa kasong theft matapos itong mag-shoplift sa isang supermarket at pansamantala itong nakalaya matapos itong magpiyansa noong Mayo 15 ng taong kasalukuyan.

Nauna rito, nabatid na umalis ang biktima ng kanilang bahay gamit ang isang kulay itim na Mitsubishi Montero na pag-aari ng kanyang mga magulang.

Alas-9:00 ng gabi ng Martes ay natagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng naturang sasakyan sa kahabaan ng Vatican Drive, BF Resort Village, Brgy. Talon 2, Las Piñas City.

Hinala ng pulisya na po-sibleng sa ibang lugar pinatay ang biktima ng hindi pa nakikilalang mga suspect at iniwan lamang ito sa area ng Las Piñas City.

Blangko pa rin ang mga awtoridad sa motibo o sa kung sino ang posibleng   may gawa sa krimen.

Show comments