107 residente na-food poison sa Muntinlupa

MANILA, Philippines — Nasa 107 residente ng isang compound sa lungsod ng Muntinlupa ang isinugod sa pagamutan dahil sa hinalang ‘food poisoning’ makaraang kainin ang ibinigay sa kanilang pagkain sa isang feeding program ng isang paaralan, Sabado ng hapon.
Sa 107 biktima, nasa 47 na ang pinalabas ng Ospital ng Muntinlupa makaraang malapatan ng angkop na lunas habang nasa 60 pang pasyente ang nananatiling inoobserbahan.
Sa ulat ng Muntinlupa City Police, alas-10:00 ng umaga nang magsagawa ng feeding program ang mga tauhan ng De La Salle Santiago Zobel ng Alabang, Muntinlupa City sa pamumuno ng kanilang school directress na si Evangeline Peralta sa may Makabuhay Compound, NBP Reservation, Brgy. Poblacion, ng naturang lungsod.
Alas-6:30 ng hapon nang mag-umpisang magreklamo ng pananakit ng sikmura, pagkahilo at pagsusuka ang mga residente kaya isinugod sila ng mga opisyal ng barangay sa pagamutan.
Ayon sa isang residente, food pack na may lamang isang putahe ng karne, itlog, at kanin ang kinain niya at ng kanyang tatlong anak buhat sa feeding program. Wala naman silang napansing kakaiba sa pagkain hanggang sa makaramdam na ng pananakit ng tiyan.
Nakipag-ugnayan naman ang paaralan na nagsagawa ng feeding program sa mga otoridad at nagpasabi na handang magbigay ng tulong sa mga biktima.
- Latest