Bagon ng LRT-1 umusok: Mga pasahero, pinababa
MANILA, Philippines — May 80 pasahero ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) ang pinababa sa sinasakyan nilang southbound train sa area ng Maynila, matapos na umusok ang isang bagon nito, kahapon ng umaga.
Sa advisory ng LRT-1, nabatid na dakong alas-8:37 ng umaga nang umusok ang bagon ng isang tren kaya’t napilitan silang magpababa ng mga pasahero sa Bambang Station.
Inireport naman ng train operator sa Control Center ang insidente, at pinayuhan ito na mag-unload ng pasahero, bilang bahagi ng ipinatutupad nilang Standard Operating Procedure (SOP) para sa kaligtasan ng kanilang mga commuters.
Agad din namang nag-deploy ng skip train sa lugar para maisakay muli ang mga pinababang mananakay at maihatid sa kanilang destinasyon.
Ayon naman kay Rochelle Gamboa, corporate communications head ng LRT-1, hinila na ang nasirang tren sa depot upang alamin ang dahilan ng pag-usok nito at agad na kumpunihin.
Ang LRT-1 ang siyang nag-uugnay sa Roosevelt, Quezon City at Baclaran sa Parañaque City at pabalik.
- Latest