MANILA, Philippines — Nasa 4,000 pulis ang ikakalat sa mga istratehikong lugar sa Metro Manila matapos makatanggap ng intelligence report ang pamunuan ng PNP na daang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang lalahok sa hanay ng mga militanteng grupo na magdaraos ng kilos protesta upang ipahiya ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng paggunita sa ika-46 taong anibersaryo ng martial law ngayon (Setyembre 21).
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesman P/Sr. Supt. Benigno Durana Jr. na isinailalim na sa full alert status ang kapulisan kasabay ng pagpapaigting ng police visibility patrol bilang bahagi ng pro-active measure.
“Motivated by different shades of vested interests, various groups monitored to be led by the CPP/NPA/NDF will hold various protests in Metro Manila and other key cities on 21 September to vainly try to embarrass and undermine a popular administration of President Rodrigo Roa Duterte,” pahayag ni Durana.
Idinagdag pa nito na base sa intelligence report, hahalo sa rally ng mga militanteng grupo ang nasabing mga rebeldeng komunista kaya todo alerto ang PNP-Civil Disturbance Management (CDM) team upang masupil ang posibleng paghahasik ng kaguluhan ng mga ito.
Nabatid na kabilang sa mahigpit na babantayan ay ang kahabaan ng Mendiola patungo sa Palasyo ng Malacañang, US Embassy at iba pang lugar na pagdarausan ng kilos protesta.
Inihayag ni Durana na nakahanda ang kapulisan na arestuhin ang CPP-NPA na may warrant of arrest na hahalo sa mga magdaraos ng demonstrasyon.
Sa kabila nito, ayon kay Durana ay wala naman silang namomonitor na ‘terror threat “pero mas mabuti na ang nakaalerto sa lahat ng oras dahilan sa traydor ang komunistang mga terorista.
Kaugnay nito, nanawagan si Durana sa mga estudyante na huwag ng makilahok sa mga bayolenteng pagkilos para sa kanilang kaligtasan.
Magugunitang binanggit kamakailan ni Pangulong Duterte ang plano umanong pagpapatalsik sa kanya ng tatlong grupong CPP-NPA, grupo ni Sen. Trillanes at mga dilawan na isasabay sa paggunita sa deklarasyon ng Martial Law nga-yong araw na ito.