MANILA, Philippines — Hindi nadaanan ang kahabaan ng Roxas Boulevard dahil sa lagpas gutter-deep na baha dulot ng storm surge ng Manila Bay.
Samantala sa 853 pamilya ang inilikas hanggang kahapon ng umaga mula sa Baseco sa Port Area at Isla Puting Bato sa Tondo, sa Maynila sa isinagawang preemptive evacuation ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Manila Police District kaugnay sa pananalasa ng bagyong Ompong.
Sa update kahapon ng hapon ni Supt, Carlo Magno Manuel, noong una ay nasa 21 pamilya lamang ang inilkas o 97 indibidwal, napilitan ding ilikas ang iba pang pamilya na pawang nasa peligrosong lugar malapit sa Manila Bay kaya umabot na sa 853 pamilya o 2,560 indibidwal ang nasa Delpan Evacuation Center at Tondo Sports Complex.
Nabatid na maging ang Barangay 101 at 105 sa Happyland ay tinungo ng kapulisan para sa paglilikas kahit hindi pa naman nasa peligroso ang kanilang kalagayan.
Samantala, may 92 stranded naman sa mga Pier sa Maynila ang inilikas din upang tiyakin ang kanilang kaligtasan.
Wala naman nakitang stranded na mga sasakyan at barko sa nasasakupan ng Maynila at wala ring naiulat na nawasak na mga kabahayan.