MANILA, Philippines — Dinakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-International Airport Investigation Unit (NBI-IAIU) ang dalawang babae na sangkot sa bentahan ng sanggol sa halagang P30,000 noong Lunes (Setyembre 10) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, sa Pasay City.
Kinilala ni NBI director Dante Gierran ang mga dina-kip na sina April Rose Ramirez, ang seller ng 3-buwang gulang na sanggol at Catherine Lagustan, ang buyer habang tinutugis pa ang biological mother na si Shiela Marie Mandawe.
Nabatid na mula sa Cagayan De Oro ang suspek na si Ramirez na nagtungo sa airport para makipagkita kay Lagustan bitbit ang sanggol.
Nang makita umano ni Lagustan na may bingot (cleft palate) ang beybi ay tinanggihan niya ito at sinabihang magbibigay na lamang ng nasabing halaga na naipangako sa ina ng sanggol at P3,500 kay Ramirez.
Nang umiyak ng matindi ang sanggol ay tinulungan silang patahanin ito ng isang Rose Antiquina. Habang karga ni Antiquina ay nagtungo umano ang dalawa sa airline check-in counter para sa booking ng return flight ni Ramirez at sa pagbabalik kay Antiqui- na ni Lagustan ay matagal nilang hinintay si Ramirez.
Nang si Ramirez naman ay bumalik sa lugar ay di niya na makita ang dalawa kaya siya nagtungo sa Airport Police Department (APD) kung saan aksidenteng naroon din ang dalawa na naghahanap sa kanya.
Dahil dito, nagduda ang IAUI sa mga galaw ng dalawa kaya inimbestigahan at natuklasan na kaso ng Child Trafficking ang ginagawa.
Isinailalim na sa inquest proceedings ang mga suspek na nakapiit sa NBI detention facility. ( Vea Angela Quiamco-trainee)