Extortionist/ blackmailer na Swedish, timbog sa NBI
MANILA, Philippines — Isang 37- anyos na Swedish ang dinakip ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos ireklamo ng limang babaeng kanyang nakarelasyon at nabiktima sa pamamagitan ng blackmail at extortion, kamakalawa sa Taguig City.
Nakapiit na sa NBI Detention Facility ang suspek na si Michael William Ryan Thuerry Fischer Lagarde, na may alyas na Dan Richard William Prentiss Boggs, Michael William Theirry Rubenstein Boggs at Ryan Archer.
Iprinisinta ni Vicente de Guzman III, hepe ng NBI-Special Action Unit ang suspek sa mga mamahayag kasabay ng babala sa publiko na mag-ingat sa suspek dahil sa posibilidad na muli niyang ulitin ang kanyang modus operandi sa sandaling makapagpiyansa sa kasong extortion at swindling na isinampa laban sa kanya ng kanyang mga nabiktima.
Sa reklamo ng isa sa kanyang biktima, dati niyang kasintahan ang suspek at nag-live in sila ng may dalawang taon at nitong huli ay hinihingan siya ng P100,000 at kung hindi umano siya magbibigay ay ilalagay niya online ang kanilang pagtatalik na nai-video ng suspek.
Ayon sa biktima sa panahon ng kanilang pagiging mag-live in kinontrol umano ng suspek ang kanyang pera, credit cards at checkbook at ibinalik lamang umano sa kanya noong maghiwalay sila noong Hunyo 2018 kung saan maging ang sasakyan nitong big bike ay pinahulugan pa sa kanya ng suspek.
Pumayag umano ang biktima na makipagkita sa suspek sa isang hotel sa Taguig City, pero lingid sa kaalaman ng suspek ay nagsumbong sa NBI ang biktima kaya ikinasa ang entrapment operation.
Modus operandi umano ng suspek na makipagkilala sa kanyang mga biniktima sa “Online dating” pagkatapos ay liligawan hanggang sa mapaibig at mahulog ang loob sa kanya.
“Namimili ng binibiktima ang suspect, merong abogada, negosyante kung ano ang ideal man ng babae ibibigay niya yun,kapag nakuha na ang loob mo ayun na pati ipon mo ubos nagpapanggap itong ex- US marine at defense contractor ”.
Sa beripikasyon ng NBI nalaman na noong Hunyo, 2018 ay nahatulan ang suspek sa Sweden sa kasong multiple fraud at noong 2006 ay nahatulan na rin ito ng isang taon at 10 buwan pagkabilanggo sa katulad na kaso at noong 2011 ay nahatulan din ito sa 40 kaso ng katulad na ‘offense” kung saan puro kababaihan na pawang may edad 25-38 ang kanyang biktima.
Nahulog umano ang kalooban ng mga biktima sa suspek dahil sa magaling itong mambola at talagang ipinakikita nito ang kanyang pagmamahal.
- Latest