Buntis, 3 pa, naaktuhang bumabatak ng droga
MANILA, Philippines — Apat katao kabilang ang isang buntis, ang naaresto habang aktong bumabatak ng ilegal na droga sa loob ng kanilang tahanan sa Novaliches, Quezon City kamakalawa.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Section 13, 14 at 15 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na sina Mercy Urias, 39, ng Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Quezon City; Michael De Leon; Rodante Maranan, 38 at Michelle Garcia.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-3:25 ng hapon nang maaresto ang mga suspek habang nagpa-pot session sa loob ng tahanan ni Urias, na walong buwan buntis.
Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga pulis hinggil sa nagaganap na pot session sa lugar.
Sa isang cell phone video na kuha ng isang concerned citizen ay kitang-kita ang pagbatak ng shabu ng mga suspek kaya’t sumalakay ang mga pulis.
Nag-positibo naman ang tip kaya’t kaagad na dinakip ng mga personnel ng Police Community Precinct 2 ang mga suspek at binitbit sa presinto.
Aminado ang buntis na bumabatak siya ng shabu ngunit hindi naman aniya maaapektuhan ang kanyang ipinagbubuntis dahil dati na siyang gumagamit ng shabu noong buntis sa kanyang unang mga anak.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang may 23 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, at mga drug paraphernalia.
- Latest