15 kilo ng marijuana nasamsam: 2 timbog
MANILA, Philippines — Mahigit 15 kilong marijuana na nagkakahalaga ng nasa P.3 milyon ang nasamsam mula sa dalawang ‘tulak’ ng droga sa isinagawang buy-bust operation na ikinasa ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office (RDEU-NCRPO), kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Kaagad na dinala sa tanggapan ng RDEU-NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang dalawang suspect na sina Francis Marie Nepomuceno, 28, at Michael Gontinias, kapwa ng Balintawak, Quezon City.
Base sa report ni Chief Inspector Ferdinand Mendoza, hepe ng RDEU ala-1:30 ng madaling araw nang maaresto ang dalawa sa ikinasa nilang buy-bust operation sa naturang lugar.
Isa sa mga pulis ang nagpanggap para bumili ng marijuana na nagkakahalaga ng P5,000 sa mga suspect.
Aktong iniaabot na ni Nepomuceno ang nasabing droga ay natunugan nitong pulis ang kanyang ka-transaksyon at agad nitong pinaharurot ang kanyang sasakyan kung saan nabangga pa nito ang sasakyan ng mga pulis hanggang sa nagkaroon ng habulan.
Sa sampung minutong habulan nasakote rin ng mga pulis ang mga suspect at nakumpiska sa mga ito ang pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P300,000.00.
Ang mga suspect ay sinampahan na ng kasong paglabag sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
- Latest