15 kilo ng marijuana nasamsam: 2 timbog

Ang nasamsam na may 15 kilo ng marijuana sa isinagawang buy-bust operation ng NCRPO sa Balintawak, Quezon City.
( Kuha ni Joven Cagande)

MANILA, Philippines — Mahigit 15 kilong marijuana na nagkakahalaga ng nasa P.3 milyon ang nasamsam mula sa dalawang ‘tulak’ ng droga sa isinagawang   buy-bust operation na ikinasa ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office (RDEU-NCRPO), kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Kaagad na dinala sa tanggapan ng RDEU-NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang dalawang suspect na sina Francis Marie Nepomuceno, 28, at Michael Gontinias, kapwa ng Balintawak, Quezon City.

Base sa report ni Chief Inspector Ferdinand Mendoza, hepe  ng RDEU ala-1:30 ng madaling araw nang maaresto ang dalawa sa ikinasa nilang  buy-bust operation sa  naturang lugar.

Isa sa mga pulis ang nagpanggap para bumili ng marijuana na nagkakahalaga ng P5,000  sa mga suspect.

Aktong iniaabot na ni Nepo­muceno ang nasabing droga ay natunugan nitong pulis ang kanyang ka-transaksyon at agad nitong pinaharurot ang kanyang sasakyan kung saan nabangga pa nito ang sasak­yan ng mga pulis  hanggang sa nagkaroon ng habulan.

Sa sampung minutong habulan nasakote rin ng mga pulis ang mga suspect at nakumpiska sa mga ito ang pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P300,000.00.

Ang mga suspect ay sinampahan na ng kasong paglabag sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.

Show comments