MANILA, Philippines — Limang pinaniniwalaang mga human traffickers ang nadakip habang 28 katao ang nasagip matapos ang isinagawang raid ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang prostitution den sa Makati City kamakailan.
Ang pagsalakay ay isinagawa ng NBI-Anti Human Trafficking Division sa isang bahay sa Brgy. Palanan, Makati City dakong alas-5 ng hapon kung saan nadakip sina Edwein Bayona, Alfredo Valenzona, Richjard Cahusay, Agustin Ramirez at Charlie Quiabe, umano’y mga maintaner ng den.
Nasagip sa operation ang may 28 kababaihan na nakalagak sa ikalawa ng palapag ng bahay.
Ang raid ay isinagawa matapos na makatanggap ng ulat na ginagamit na prostitution den ang nasabing bahay.
Sa modus ng grupo, pinapapili ng sindikato ang kanilang mga kostumer sa mga babaeng nasa bahay kung saan ang ilan ay kanilang inilalabas para makipag-sex na may angkop na kabayaran.