Paglaban sa breast cancer pinalakas sa Makati
MANILA, Philippines — Libre na para sa mga kababaihan ng Makati o Makatizens ang konsultasyon gamit ang pinakabagong full digital mammography machine sa Ospital ng Makati (OsMak) para sa maagang detection at paglaban sa breast cancer.
Kahapon ay pinasinayaan na ni Makati Mayor Abby Binay ang naturang full digital mammography machine na isa umano sa pinakabagong diagnostic equipment para sa breast cancer awareness and prevention.
Bukod sa OsMak, piling pribadong ospital lamang umano sa bansa ang may katulad na kagamitan.
Ayon kay Mayor Abby, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon Lunes hanggang Biyernes ang libreng digital mammogram services sa OsMak Radiology Department. Hanggang labinlimang (15) pasyente lamang ang kayang ma-examine kada araw, ayon naman kay Dr. Realinda Pimentel, hepe ng naturang departamento.
Sinabi ni Mayor Abby na pinagsikapan ng pamahalaang lungsod na bilhin ang naturang equipment dahil sa paglaganap ng breast cancer sa mga kababaihan. Bahagi rin ito ng advocacy ng alkalde tungo sa isang Digital Makati. Aniya, kilala sa larangan ng medesina ang Hologic Full Field Digital Mammography machine para sa tinatawag na digital breast tomosynthesis, maging 2D to 3D biopsy at contrast enhanced breast imaging system.
Bukod sa pagiging malinaw ng mga images at digital connectivity, madali aniyang gamitin ang naturang equipment kahit ng mga pasyenteng naka wheelchair.
Kasama ni Mayor Abby sa inagurasyon si OsMak medical director Dr. Vergel Binay, Dr. Jeanne Stephanie Piano, chief resident, at Dr. Emerson Oliver, deputy director for Ancillary Division ng OsMak.
- Latest