MANILA, Philippines — Kung patuloy na mabibigo sa koleksiyon ng basura ang contractor na IPM Construction and Development Corporation, ipatatanggal at iba- blacklist na ito ng Maynila.
Ito ang ultimatum ni Manila Mayor Joseph Estrada kung hindi nito maisasaayos ang sistema ng koleksiyon at hindi pagpapatupad ng massive clean-up operation sa mga basura ng lungsod.
Hindi rin magdadalawang isip si Estrada na kanselahin ang kontrata ng IPM kapag nakakita pa rin siya ng tambak na basura sa mga kalsada sa lungsod.
Kaugnay nito, inatasan ni Estrada ang Department of Public Services at Manila Task Force Cleanup na tiyaking mahahakot ang lahat ng basura saan mang panig ng Maynila.
Naglaan din ang alkalde ng P45 million para sa pagkuha ng 1,000 bagong street sweepers na magiging bahagi ng task force na maglilinis sa buong lungsod.
Bukod dito, pinamama-dali na rin ni Estrada ang pag-apruba ng konseho sa P38 million budget na ipambibili ng anim na forwarder dump trucks na gagamiting support group ng task force sa kanilang cleanup driver.
Sa pamamagitan ng trak na pag-aari ng lungsod, sinabi ni Estrada na magkaka-roon agad ng sariling pagkilos ang lokal na pamahalaan kapag pumalpak pa rin ang kontraktor.