P2.5-B shabu nadiskubre sa MICP
MANILA, Philippines — Nasa 500 kilo ng shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng may P2.5 bilyon, ang nadiskubre ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Bureau of Customs (BOC) sa Maynila kahapon.
Batay sa initial report ng PDEA, dakong alas-10:00 ng umaga kahapon nang madiskubre sa Manila International Container Port (MICP) North Harbor ang illegal na kontrabando at pagsapit ng hapon lamang ito binuksan ng mga tauhan ng PDEA-National Capital Region (NCR) at ng BOC-Intelligence and Investigation Service.
Ang naturang shabu ay nakatago pa sa magnetic scrap lifter at nakasilid sa loob ng abandonadong container van, na natagpuan sa MICP na abandonado na.
Ayon kay PDEA Director Aaron Aquino, nakasilid ang mga shabu sa fully-sealed metal na nasa ton-inch ang kapal kaya’t maging ang K-9 ay hindi ito maamoy.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung saan ipinadaan ang mga naturang kontrabando, na sinasabing mula pa sa bansang Malaysia.
Hindi pa rin naman batid kung sino ang consignee ng mga naturang shabu habang wala pang nagki-claim nito.
- Latest