Biktimang negosyante nasagip ng PNP-AKG
MANILA, Philippines — Anim na miyembro ng isang notoryus na kidnapping for ransom (KFR) gang kabilang ang tatlong Ninja cops, isa dito ay lider ng sindikato ang pakay ngayon ng manhunt operations ng mga awtoridad kaugnay sa pagdukot sa isang negosyante sa lalawigan ng Laguna, ayon sa opisyal kahapon.
Sa press briefing sa Camp Crame, kinilala ang suspect na sina PO1 Michael Siervo, lider ng KFR group mga kasamahan nitong sina PO1 Ronald Carandang at PO2 Jonathan Galang. Ang isa pa na si PO2 Gerald Bonifa-cio ay una nang nasawi matapos paslangin umano ni Galang dahilan sa partehan ng pera sa kanilang illegal na aktibidades.
Samantalang ang tatlo ay inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan.
Ayon kay PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde, ang mga suspect ay natukoy na responsable sa pagdukot kay Bonifacia Arcita sa Brgy. Pansol, Calamba City, Laguna noong Hulyo 29 ng madaling araw na una nang kinasuhan sa illegal drug trade dahilan ang mga umupa sa apartment nito ay ‘tulak’ ng droga na nadismis rin naman.
Si Arcita ay nasagip ng mga operatiba ng PNP-AKG noong Agosto 1, 2018 sa bodega sa Purok 4, Brgy. Tranca, Bay, Laguna kung saan natukoy sa follow-up investigation na pag-aari ni Siervo ang pinagtaguan sa biktima. Kasabwat din umano ang misis nitong si Margie Celin Siervo.
Sinabi naman ni PNP-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) Director P/Chief Supt. Glenn Dumlao, sa pahayag ni Celestina Arcita Rodriguez, anak ng biktima nakatanggap siya ng tawag sa mga kidnappers na humihingi ng P300,000.00 ransom kung saan naibaba sa P120.000 ang nasabing demand.
Sa puntong ito ay napilitang humingi ng tulong sa PNP – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) si Celestina. Ayon dito, nakapagpadala na sila ng inisyal na ransom na P 20,000.00 sa pamamagitan ng magkakahiwalay na instruksyon ng mga kidnappers.
Samantalang nagbanta umano ang mga suspect na may mangyayaring masama sa ginang kapag hindi naibigay ang P100,000 kung saan ipina-deliber ang pera sa Alabang terminal sa Muntinlupa City.
Ang ginang ay pinalaya sa Brgy. Sto. Domingo, Sta Rosa City, Laguna at matapos ito ay nagsagawa ng backtracking operation ang PNP-AKG operatives sa safehouse na pinagtaguan sa ginang sa Purok 4, Brgy. Tranca, Bay, Laguna at dito na narekober ang kulay berdeng Toyota Corolla na may plakang WBH (840) na ginamit sa kidnapping.
Narekober sa loob ng behikulo ang isang granada, isang MP4 Bushmaster na may M203 grenade launcher, apat na M16 rifle na may 75 piraso ng bala; tatlong piraso ng M203 grenade, isang Glock 17 Gen 4 pistol, 41 piraso ng bala ng nasabing armas; isang cal. 9mm na may piraso ng bala, isang PNP GOA C uniform, badge number 210122 na nakapangalan kay Siervo.