SK kagawad, 1 pa timbog sa shabu at baril
MANILA, Philippines — Timbog ang isang bagong luklok na kagawad ng Sangguniang Kabataan (SK) at ang kasama niya matapos silang masakote ng mga otoridad at makumpiskahan ng higit sa P2-milyong halaga ng hinihinalang shabu at isang kalibre .38 baril sa ikinasang entrapment operation laban sa kanila, Sabado ng gabi sa lungsod ng Pasay.
Swak sa kulungan ang mga nadakip na sina Brgy. 97 Zone 14 Kagawad Christian Joshua Leria, 22, at Cedrix Garcia, 24, ng No. 667 Virginia Ext., M. Dela Cruz St., Brgy. 130 Zone 13, ng naturang lungsod.
Sa ulat, alas-8:30 ng gabi nang magkasa ng operasyon ang mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa mga suspek.
Isang pulis ang nagpanggap na buyer ng baril kung saan matapos ang transaksyon sa mismong tapat ng bahay ni Leria ay dito na siya inaresto pati ang kanyang kasama na si Garcia.
Nang pabuksan sa kanya ang dalang bag, dito bumungad ang dalawang plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 1.375 kilo at nagkakahalaga ng P2.1-milyon.
Ayon sa CIDG, higit isang linggo nilang minamanmanan ang SK kagawad makaraang makatanggap ng ulat ng pagbebenta niya ng mga baril at iligal na droga sa Pasay City.
Nakatakda nang sampahan ngayon ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Illegal Possession of Firearms sa Pasay City Prosecutor’s Office ang mga nadakip na suspek.
- Latest